“Korte o Kulto?” — Leila De Lima Binatikos ang Desisyon ng Senado sa Sara Duterte Impeachment
Representative-elect Leila de Lima ng ML Party-list ay tahasang kumondena sa hakbang ng Senado—bilang impeachment court—na ibalik sa Kamara ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
“Harap-harapan na tayong niloloko. Sila ang nagtanong, sila rin ang sumagot. Walang due process. Walang hiya,” pahayag ni De Lima, dating senador at ngayon ay bahagi ng prosecution panel sa impeachment case ni Sara Duterte.
Sa botong 18-5, nagpasya ang Senado na isauli ang impeachment case sa House of Representatives, na hindi ibinasura ngunit hindi rin dininig—isang hakbang na tinawag ni De Lima na paglapastangan sa proseso ng hustisya.
“Ano ito—korte o kulto?” dagdag pa niya.
Ang mosyon ay unang inihain ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, at binago ni Senador Alan Peter Cayetano upang ibalik ang kaso sa Kamara. Pinangunahan naman ni Senate President Chiz Escudero ang pormal na pag-upo ng Senado bilang impeachment court bago ang botohan.
“No justice in shutting the door before the people can speak. No truth in a court that silences both sides,” giit ni De Lima.
Ayon kay De Lima, kung sa palengke raw isinampa ang reklamo, baka mas may katotohanan pa roon:
“Pareho lang din—walang nangyaring hustisya… at least doon, may nagtitinda ng totoo.”
Tinukoy rin ni De Lima ang mga senador na tumindig at bumoto laban sa pagbabalik ng impeachment case: Risa Hontiveros, Koko Pimentel, Nancy Binay, Win Gatchalian, at Grace Poe.
“Hindi ito simpleng kabiguan. Isa itong mantsa sa Senado, sa batas, at sa posibilidad ng pananagutan sa bansang ito,” wika niya.
Matatandaang inaprubahan ng Kamara ang impeachment case laban kay Duterte noong Pebrero 5, base sa mga alegasyong betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at iba pa. Nanindigan naman si Vice President Sara Duterte na ito ay “political retaliation” at tinawag ang impeachment na isang “crucifixion.”
“Hindi kami tatahimik,” pagtatapos ni De Lima. “At hindi lahat ng dinadaan sa teknikalidad ay nakakalimutan.”