Jeryll Harold Respicio Iniimbestigahan ng NBI sa Umano’y ‘Seditious’ Social Media Posts
MANILA, Philippines — Isinasailalim sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang Vice Mayor ng Reina Mercedes, Isabela na si Jeryll Harold Respicio matapos siyang masampahan ng reklamo kaugnay ng umano’y “seditious statements” na nai-post sa social media.
Ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), nagsampa ito ng criminal at administrative complaints laban kay Respicio sa NBI, na kinabibilangan ng inciting sedition, inciting rebellion, at unlawful means of publication.
Pinangunahan ni CICC Executive Director Aboy Paraiso kasama si Presidential Communications Office Undersecretary Precious Hipolito-Castelo ang paghahain ng complaint affidavit sa NBI headquarters.
Sa isang press briefing, iginiit ni Paraiso na hindi simpleng usapin ng “freedom of speech” ang reklamo, kundi posibleng paglabag kapag ang pahayag ay umabot sa antas na maaaring mag-udyok ng sedisyon o rebelyon.
Binanggit naman ni NBI Director Melvin Matibag ang umano’y social media post ng opisyal kung saan sinabi nitong “revolution is the answer” kung hindi na umiiral ang Konstitusyon.
Ayon sa NBI, maglalabas sila ng subpoena upang kunin ang panig ni Respicio habang nagpapatuloy ang case buildup bago ito irekomenda sa Department of Justice (DOJ).
Si Respicio ay nanalo bilang vice mayor sa 2025 midterm elections sa Reina Mercedes, Isabela. Nauna na rin siyang nasangkot sa isyu matapos maantala ang kanyang proklamasyon dahil sa hiwalay na disqualification case, na kalaunan ay inalis ng Commission on Elections (Comelec) matapos walang makitang iregularidad sa resulta ng halalan.

